top of page
Search

Sagisag ng Sigasig

  • Writer: Jt Soriano
    Jt Soriano
  • Jun 9, 2023
  • 12 min read

Updated: Jun 25, 2023

“Sa personal, ito ang pinakagusto kong papel sa opsyon ng paggamit sa mga tula upang makapagbigay ng komentaryo. Napakaganda ng binaggit mo na ‘hindi masasagot ng pambansang wika ang mga sakit sa lipunan,’ tama ka!”


Hindi ko makakalimutan ang mga salitang ito na nakapaskil sa aming online learning platform. Ito kase ang pinakaunang kumento sa’kin ng aking instruktor sa Wika, Kultura, at Lipunan. Nagpatuloy ang ganito niyang mga puna sa aking mga papel, kaya naman lagi akong sabik na dumalo sa kanyang mga klase.


Siya si Arnold Tristan Lunzaga Buenaflor, mas kilala sa pangalang Tristan. Sa edad na 24, siya ang pinakabatang guro sa Kolehiyo ng Sining at Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio. Sa pamantasang ito rin siya nagtapos ng Batsilyer sa Wika at Panitikan na may karangalang cum laude.


Bagito pa lamang si Tristan ngunit makikita na ang kanyang pagpiling maging isang guro ay tunay na “bulong at pakiramdam ng puso.” At kasabay nito, ng kanyang paglakbay kasama ng mga mag-aaral ang pagtupad sa isang pangarap — isang bisyon na nakatatak na sa kanyang isipan noon pa man.

Galing at gilas


Ekonomiko ang isa sa mga dahilan sa pagsuong niya sa propesyong ito noong 2021 kung kailan bumabangon pa lamang ang lahat mula sa pandemya. “Tinawag at sinend sa’kin ng mga propesor ko noon ‘yung link ng CAC na naghahanap ng lecturer ‘yung department kung saan ako nanggaling,” saad niya.


Baon ang husay na hinubog ng pamantasan, dininig niya ang tawag ng panahon. “Tinanggap ko ‘yun dahil sa ako din naman ay hinubog ako ng kamulatan sa sitwasyon ng pandemya pati 'yung epekto nito sa mga estudyante.”


Ipinaliwanag niya nang marahan, “Lapat naman sa lupa ‘yung pagsaksi ko sa pangangailangang tumulong sa mga kabataang estudyante. At tinanggap ko ‘yung pagiging guro, at ngayon na guro na ako, para bang ito talaga pala ‘yung dapat kong nilalakaran. Everything makes sense, if I may put it sa wikang Ingles.”


Ang kanyang pagpiling ito ay isang porma ng pagserbisyo sa masa at isang bunga ng “patsi-patsing tapestry ng karanasan.” Batid niya na mayroon siyang kakayahan na imulat ang kanyang mga estudyante at wala siyang pag-aalinlangang baybayin ang daang ito.


“Kung isang tao lang magre-recruit sa akin dito o kung purong ekonomiko lang talaga ang habol ko, hindi siguro sa UP ‘yung pipiliin ko. Pero hindi naman ‘yun ‘yung importante sa akin, as cheesy as it may sound,” malumanay niyang sabi.

Ang muling pagtapak niya sa catwalk ng pamantasan ay may kaakibat na takot at pangamba dala ng pinagtambalang puwersa ng mga Marcos at Duterte. Sa kasalukuyan, hindi lingid sa kaalaman ang pagkadakip ng mga alumni ng pamantasan. “Eventually, tatagos ‘yan at magrereverberate ‘yan sa lahat ng constituents ng unibersidad,” saad niya.


Marubdob ang damdamin ni Tristan na labanan ang academic suppression. Ang pagtanggal ng mga diumanong subersibong mga sulatin sa silid-aklatan ay lalabanan pa niya sa paglagay ng mga “radikal” na tekstong babasahin.


Nahuhubog ang pag-aaral ng mga estudyante ng pagsakal sa kanilang puwedeng matutunan. “Mas lalabas ng klase, ng apat na sulok ng klasrum ‘yung mga estudyante. Hahanapin nila kung ano ang tinatago sa kanila ng estado,” maaalab niyang turan.


“The role of the intellectuals is to expose lies,” pagsisipi ni Tristan kay Noah Chomsky. Kapag may tiraniya, laging may pag-aaklas. Ang paghubad sa mga kabaluktutang ito ay laging sa ngalan ng kalayaang akademiko.


Kung pakikinggang mabuti si Tristan, matitiyak mo na maraming tumatakbo sa kanyang kaisipan — mga kumentong hinulma ng kanyang mga karanasan.


“Sabi ni Marx, and I’m paraphrasing here, sabi niya dami-dami ng nag-philosophize tungkol sa mundo, tama na, kase the point of philosophizing the world is for you to come to the conclusion that the world needs changing," wika niya.


Ang mga problema sa pamantasan ay puwedeng masolusyunan kung isinasapraktika ang mga teorya. Ayon kay Tristan, ang mga teoryang walang pagsasapraktika ay “baog” at “walang saysay.” “Kunwari alam ko lahat ng teorya tungkol sa wika at lipunan pero kung hanggang klasrum lang natin siya or hanggang Wika 1 lang, medyo nakakalungkot ‘yun, so naghahanap tayo ng paraan,” saad niya.


Dagdag pa niya na ang batayang masa kung tawagin ng mga progresibo ang lugar kung saan namamayani ang praktika, ngunit, sa kasamaang palad, ay kulang sa teorya.


Kaya naman sinabi ni Tristan na, “‘pag nagsama ‘yung academics pati ‘yung batayang sector ng mamamayan, ‘pag nagsama ‘yung teorya at praktika diba, praxis ‘yung nabubuo non, praxis ‘yung isinisilang non. At tuwing may praxis, umuunlad ‘yung resistance.”

Ang dapat gawin upang makamit ang pagbabagong kinakailangan — “Lubog, kailangang lumubog sa mamamayan, balikan ‘yung sektor ng lipunan.”

Tseklist


Maraming depinisyon ang mga salita. Binibigyan natin ng kahulugan ang mga bagay-bagay. Sa bawat pag-usad ng lebel ng pag-aaral, nagkakaroon at mas nahuhulma ang imahe ng isang mabuting tagapagdaloy ng kaalaman.


Ayon kay Tristan, may mga katangian ang isang “mabuting guro.” Una, ang isang mabuting guro ay hindi diktador. Hindi niya basta ipinapataw ang pansariling kagustuhan “bagkus kung may gusto man siya at kung sa tingin niyang siya ay tama, mapapakita niya ‘yun sa pagpapraktika, sa batas ng kasaysayan.”


Pagpapatuloy niya, ang isang “mabuting guro” ay hindi lang “nakikita sa apat na sulok ng klasrum, pero nakikita rin siya sa lansangan kapag tinawag ‘yung mga mamamayang tumugon sa pangangailangan.”


“Ang isang mabuting guro din ay isang estudyanteng sabik matuto. So, hindi lang siya diktador sa loob ng silid-aralan kung saan ‘yung mga tema at teorya niyang alam lang, hanggang doon lamang. Tumatanggap din siya ng pagbabago sa lipunan, pagbabago sa estudyante, pagbabago sa estruktura ng silid-aralan,” ani ni Tristan.


Para sa kanya, ang isang “mabuting guro” ay marunong umangkop. Siya rin ay nationalist, scientific, at mass-oriented. Ang huli ay ang pinakaimportante sa tatlo, ayon sa kanya.


“Mulat siya at malay siya na mayroong economic discrepancies pati social discrepancies sa kasalukuyan, sa mga tao, at dahil alam niya 'yung mga ito, sensitive siya sa pinagdadaanan ng lahat,” pagpapaliwanag niya.


Ayon kay Tristan, labas sa kanyang magandang numero na masasalamin sa SET score, ang batayan ng pagiging “mabuting guro” sa UP Baguio, matatawag niya ang kaniyang sarili na isang “mabuting guro.”


“Siguro tignan lang din natin, i-check natin ‘yung checklist na kakabanggit ko lang tas apply natin sa’kin,” may tawa niyang bigkas.


Isa-isa niyang napunan ang kahon.


Hindi umano siya diktador. Tumatanggap siya ng mga pananaw ngunit hindi rin niya hinahayaang pamungahin ang “buntotism.” Para sa kanya, may responsibilidad siyang itama ang mga mitong napabulaanan na ng kasaysayan pati ng mga palaulatan. “Halimbawa may estudyante kang Marcos apologist, hindi naman mag-aapply doon ‘yung i-aallow mo lang ‘yun.”


"'Yung mga hindi ko pinapalagpas ‘yung masama ‘yung komunismo etc. o baluktot na pagtingin sa armadong pakikibaka,” dagdag pa niya.


Ayon sa kanya, nakikita siya sa klasrum, pumapasok at hindi lumiliban. “Nakikita din naman ako sa lansangan, ako ata ang pinakamaingay na gurong kilala niyo pagdating doon,” dagdag niya. Miyembro din kase si Tristan ng All UP Academic Employees Union-Baguio Chapter.


Malay si Tristan na nasa posisyon din siya ng kapangyarihan dahil bilang guro sa loob ng silid-aralan, siya ang may huling halakhak sa grado — sa pagpasa o pagbagsak. Kaya’t kailangan umano niya ng “consistent grounding.


“At siguro dahil na rin sa takot ko sa little power that I have, I would say medyo grounded ako at oo, mabuting guro, pero sana hindi lang academically pero in manners, in conduct, in where it matters,” tinuran niya nang may bahid ng pagkahiya.

Ang guro sa pulo-pulong nasyon


Hindi prayoridad ng Pilipinas ang nagpapayabong sa taglay nitong talino’t kakayahan. Ayon kay Tristan, hindi binigyang importansiya ng nagdaang rehimen ang kaguruan, dumaloy pa ito hanggang sa kasalukuyang administrasyon.


“Sino ba ‘yung may mas mataas at palaging parang quarterly ay may pagtaas sa sahod, mga kapulisan. Kase ‘yung focus talaga ng mga nagdaang rehimen ay counterinsurgency,” may tapang sa kanyang boses.


Ang counterinsurgency na ito ay may baluktot umanong depinisyon ayon sa kanya — “Ito ay gyera kontra mamamayan.” Kung maaalala, naglunsad ng tatlong gyera ang administrasyong Duterte.


“'Yung gyera sa droga, which is gyera kontra mahihirap naman talaga. ‘Yung all-out war, ‘yung ibig sabihin ‘yung lahat na ng kawani ng gobyerno suddenly may counterinsurgency program na sila…tapos 'yung martial law sa Mindanao diba dahil nandoon ‘yung pinakamalaking bulto ng armadong pakikibaka ng New People’s Army,” pagpapaliwanag niya.


Malungkot ang sitwasyon ng edukasyon sa bansa, usal ni Tristan. Hindi naisasakatuparan ang pangako ng K-12 at patuloy pang inaatake ang pamantasan. “Andiyan na ‘yung political atatcks, and then, eventually, sadly, and nakakagalit, it leads to parang final blow, pagdakip o sa pagkakulong, or hopefully not, sa pagpaslang.”

Unang pahina


Ang pagpasok ni Tristan sa UP Baguio at ang pagpili niya ng kursong BALL or Bachelor of Arts in Language and Literature ay buhat ng kanyang matagal na pagnanais na maging manunulat.


“Eversince I discovered na may mundo sa mga pahina, tapos ‘yung pagdiskubre din na kaya kong mag-ambag sa paglikha ng mga mundo sa pahina, napamahal ako sa craft, sa trabaho ng paghabi ng mga salita, sa paghabi ng mga pangungusap para bumuo ng mga kwento,” saad niya.


Sa panahon na ‘yan, hindi pa lantad ang tunay na sekswalidad ni Tristan, kaya naman isa sa mga dahilan sa pagpili niya ng kursong ito ay ang kagustuhan na “i-debunk ang homosexuality sa Bible.”


Paliwanag niya, “Inisip ko kailangan ko maging linguist ata para magawa ‘yon, gusto ko mapag-aralan ‘yung translation, pagsasalin sa Bibliya, kaya naisip ko ok na ok 'yung BALL talaga sa akin. So ‘yun ‘yung dahilan kung ba’t ako napunta sa BALL.”


At naisakatuparan nga ni Tristan ang hangarin niyang iyon. Bilang deputy national spokesperson ng Student Christian Movement of the Philippines at founding chairperson ng Bahaghari Metro Baguio, pinabulaanan niya at inihayag niya ang katotohanan sa likod ng seven clobber passages sa Bibliya.


“Nagwo-workshop tayo on that, nagse-seminar tayo on how to debunk those verses. I would say oo, parang nagtagumpay, at siguro ‘yung pag out ko ibig sabihin na-debunk ko talaga siya internally din. Nung 2017 nag-out ako, at oo, I would say nagawa ko ‘yung what I set out to do nung nag-BALL ako.”

Magkalayong dulo


Hindi karaniwan na malaman ang isip ng tao ay may estriktong dibisyon. Kaya isang hiwaga nang sabihin ni Tristan na dalawa lang ang mga temang kanyang isinusulat — kwentong pambata na may bahid ng pantasya at crime fiction na nagsasalaysay ng pagpatay.


“I think very extreme person ako. Meaning dalawang ano lang, either sa pinakaright or pinakaleft. So, never in the middle. Ganon ata pagkatao ko, sa pananamit ko rin. Either pinakakakaiba or ‘yung pinakanormal t-shirt at pantalon lang.”


Sa kasalukuyan, may dalawang paboritong obra si Tristan, na may pangalang-panulat na T.L. Javier. Ang “Koronang Santan,” na tungkol sa isang “maralitang batang bakla” na nabago ang komunidad dahil sa pagtatagpi-tagpi ng mga Santan at pagbuo ng korona mula dito. Ang obrang ito ay nagkamit ng pinakamataas na gantimpala para sa mga kwentong pambata — ang Salanga award. Igagawad pa lamang kay Tristan ang gantimpala sa darating na Hulyo.


Ang isa pa niyang paboritong obra ay nanalo rin upang makapasok siya sa Palihang Rogelio Sicat noong nakaraang taon. Ang “Unang Serial Killer sa Pilipinas” ay isang kuwento ng reyalidad ng lipunan na maghahatid ng tawa, bilang ito ay isang black comedy, at pagtanto sa hulihan.


“Madalas nare-reject ako kaya natatangi ‘yon kasi ‘yon 'yung first workshop ko last year na napasukan.” Ipinasa ni Tristan ang likhang ito sa isang prestihiyosong award-giving body ngayong taon. “‘Di ako umaasa, sumusubok lang din,” wika niya.


Bilang isang gradwadong mag-aaral ng malikhaing pagsulat sa UP Diliman, nabanggit ni Tristan ang kanyang plano sa kanyang tesis. “Koleksyon ng LGBT crime fiction. So, sampu ‘yung plano kong isulat na short story na twenty pages each, nakakatatlo pa lang ako,” pagbabahagi ni Tristan, sabik sa kahihinatnan ng kanyang balak.


“‘Yung mindspace ko lagi araw-araw either fantasy fairies, sa isip ko nakakakita ako ng mga diwata ganyan or serial ‘yung mga nakikita ko or mga crime. So either, ‘yung dalawang ‘yun lang,” may kasamang tawa niyang binanggit.


Hindi nakakapagtaka na ito ang laman ng isip at dumadaloy mula sa tinta ng pluma ni Tristan dahil ito rin pala ang itinatanim niya sa kanyang kamalayan.


Isa sa mga paborito niyang aklat ay ang “Alice in Wonderland.” Ibinahagi niya, “Plano kong simulan ‘yung nonsense poem dito sa Pilipinas kasi ‘yun ‘yung genre ng ‘Alice in Wonderland.’ Nonsense poetry siya tas wala pang gumagawa ng nonsense poetries dito sa Pilipinas.” Paborito niya rin ang "Life of Pi" at "The Help."


Sa kabilang dako, paborito niya ang mga akdang “Kite Runner,” “Reportage on Crime" ni Quijano de Manila, at “Smaller Smaller Circles.” Ayon sa kanya, ang huli ay “tinitingalang unang crime fiction novel formally dito sa Pilipinas.” Maganda umano ang mga tanong doon tulad ng — bakit walang serial killer sa bansa?


Para kay Tristan, nakakatakot kung iisipin niya lagi ang mga pagpupugay sa kanyang mga obra. “Parang ayokong mapunta siya sa headspace ko na halimbawa na nanalo ako ng Salanga prize. Importante lang ‘yon kasi ibig sabihin may chance ako na ma-promote economically-wise sa UPB."


Dagdag pa niya, “Habang nabubuo nang nabubuo ‘yung palamuti sa pangalan ko, alam kong at dapat naman nakatingin ‘yung lansangan sa akin, o whether or not lalakarin ko pa rin 'yung mainit at nakakabaho na singaw ng lansangan. O dito na ako sa malamig, de-aircon na mundo na binigay sa'kin ng mga awards na ito.”


Mula 2019, isinasapubliko ni Tristan ang kanyang mga likha sa kanyang Facebook page na "Kwentong Santan." Sa kasalukuyan, mayroon itong 483 followers. Ayon sa kanya, gusto niya munang tamasahin ang yugtong ito kung kailan kaya niya pang kausapin isa-isa ang kanyang mga mambabasa.


“At oo pala budding writer pa ako, di pa ako siguro lalabas sa category na 'yon for five years pa ganyan, siguro bading writer yon!” pabiro niyang sagot.

Mula sa manunulat


Masaya si Tristan sa nilalakaran niya ngayon. Isang taon pa lang siya sa malikhaing pagsulat. At sa anim na asignaturang kanyang kinuha, lahat ng ito ay natapos niya na may gradong flat uno.


“Kasi na-enjoy ko talaga siya tapos alam ko talagang parang mags-shine ako dito sa mga sinusubmit kong output, parang ine-enjoy ko talaga ‘yung reading. Ito pala pakiramdam kapag inaaral mo ‘yung gusto mo talaga,” buong galak niyang ibinahagi.


“Hopefully, sa PhD, in ten years from now or fifteen years from now, ganon pa rin 'yung masabi ko. Or next sem, sana ganon pa rin masabi ko,” dagdag pa niya.


Kung mayroon mang payo si Tristan sa mga estudyanteng gusto rin suungin ang mundong ginagalawan niya ngayon, iyon ay ang “magbasa, magbasa, magbasa, at magbasa.”


“Kahit anong uri ng libro, mapa-textbook man yan, mapa-math book man yan. Kasi ang dami kong nakukuhang ideas, halimbawa, sa mga Nat Geo magazines ng husband ko tapos sa mga science journals niya. Ang dami kong nakukuhang mga ano dito, mga details, mga inspiration," usal ni Tristan.


At dahil nga dito, nakapagsulat siya ng tula na may titulong “Tulad ng mga ibon,” buhat ng impormasyon na “maraming bakla sa animal kingdom” lalo na sa mga ibon. Ang tulang kaniyang naisulat ay naaakma rin dahil ipinagdiriwang ang Pride month ngayong buwan.


Dagdag pa niya, “Magbasa tapos piliin nang mabuti kung saan ka magbabasa, meaning piliin mo kung saan ka lulubog. So, sa mamamayan ba, sa elite ba, sa academe ba ‘yon. ‘Yung dalawang ‘yon.”

Salita hanggang huling hininga


Ang pagiging guro at manunulat nang sabay ay parehong madali at mahirap para kay Tristan. Madali dahil lubog siya sa teorya at lagi siyang nagbabasa. Tulad nga ng sabi niya, “hindi ka pwedeng maging manunulat kung hindi ka nagbabasa. Thankfully, guro ako, lagi akong nagbabasa whether I like it or not, kase syempre kailangan mong magturo.”


Mahirap dahil kailangan umano niyang humagilap ng panahon para sa pagsusulat dahil ito madalas ang kaniyang naisasakripisyo dala ng mga hinihingi ng kaniyang pagiging guro. “Writing ‘yung walang kakabit na responsibilidad unlike 'yung pagtuturo na kapag ni-let go ko ‘yung pagtuturo hindi lang naman ako ‘yun, syempre ‘yung mga estudyante ko rin mapapabayaan ko,” usal niya.


Ayon kay Tristan, mabuti na lang at kinikilala ng pamantasan ang kanyang mga literary achievements lalo na’t may “batas” umano silang “publish or perish,” na kung hindi makapaglimbag ng akda sa loob ng tatlo hanggang limang taon ay pwedeng ma-derank sa pwesto.


Kaakibat ng patuloy na pagsulat ni Tristan ng kanyang mga obra ay ang panawagan sa gobyerno — na paalwasin ang kalagayan ng mga manunulat sa bansa. Umaasa rin siyang mabago ang mapait na katotohanang walang pera sa pagsusulat dito sa bansa.


Iwinika niya, “Kailangan may appreciation tsaka budget ang ating estado sa creative industry kung tawagin. Pero ‘yun nga diba, tulad ng nabanggit natin sa klase, wala tayong pambansang industrialization, lahat ng uri ng pabrika, ng pagawaan ng industriya dito sa atin ay mostly mga banyaga ‘yung nagmamay-ari. Mahirap talaga.”


Ang pinakamadaling solusyon na kanyang naiisip ay ang pagpondo ng gobyerno sa industriya ng pasulat at gawin itong “nakabubuhay.”


Kahit na ganito ang kasalukuyang kalagayan ng mga manunulat sa bansa, nakikita pa rin ni Tristan ang sariling nagsusulat hanggang pagtanda. “Parang lahat ng ginagawa ko right now ay in preparation for me to do this everlasting, magpakailanman, hanggang sa huling hininga ko,” usal niya.


Ipinaliwanag niyang, “‘yung pagtuturo, syempre may retirement law kasi. Halimbawa sa UP, after 65 years old mo bawal ka na magturo unless gawin kang professor emeritus.” Kung nabigyan ng titulong ito, pwede ka umanong magturo hanggang “mamatay.” Marami naman umano, ayon kay Tristan, na tumitigil na sa edad na 65.


“Pero ‘yung pagsusulat, ‘yung pagiging writer. Kaya ko siyang gawin kahit na ano na ako, nakawheel chair na ko or kulubot na lahat ng balat ko. Tingin ko huling hininga ko ay nakatalinhaga pa rin. ‘Yung huling hininga ko ay nakaritmo pa rin,” buong loob na sinabi ni Tristan na tila ba nakita na niya ang bukas.


Sa pag-uusap namin noong maulap na hapong iyon, marami akong nalaman sa guro kong mas maraming beses ko pang nakita sa harap ng iskrin — buhat ng online learning. Nakita ko ang dangal at husay na laging ipinapaalala ng pamantasan. Ang mga munti at garbong mga pangarap. At higit sa lahat, ang karungan sa pakikipagkapwa.


Sa patuloy na paglapat ng pluma sa papel, at sa walang sawang hindi pagtanggi sa Teacher’s Prerogative na nagbunga ng kanyang pagkakaroon ng 200 na estudyante ngayong semestre, hindi maikakaila ang katotohan na siya'y simbolo ng pakikibaka sa iba’t ibang porma’t panawagan.


Isa siyang sagisag ng sigasig, laging naroon sa klasrum at lansangan — masugid na lumalaban.








 
 
 

1 commentaire


Invité
09 juin 2023

Grabe! Napaka husay naman ni Sir Tristan. Sana mas marami pa siyang marating sa buhay. Nakaka-inspire talaga ang pagmamahal niya sa ating panitikan. Salamat sa pagfeature ng kanyang istorya JT!

J'aime

Subscribe here to get my latest posts

Thanks for submitting!

the worst of times is the best of times.

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter
bottom of page